Sa panahong ito ng COVID-19 pandemic, marami sa atin ang nag-iisip kung paano makababangon mula sa krisis at kung paano haharapin ang walang kasiguruhang bukas. Marahil rin ay nasa pinakahuli sa listahan ng iba ang pag-iipon ngayong mga panahon. Ngunit kahit na humaharap tayo sa krisis ng pandemya, maaari pa rin tayong makapag-ipon at makapaghanda para sa mga darating pang panahon.
Sa Facebook page ng Bureau of the Treasury, in-announce nila ang muling pag-offer ng Premyo Bonds. Ayon pa sa announcement, “bigger and better” ang Premyo Bonds 2.
Noong nakaraang taon unang in-offfer and Premyo Bonds. Ito ay isang short-term investment na may duration na isang taon. Sa Premyo Bonds 1, ang mga investor ay maaaring mag-invest ng minimum amount na PhP 500.00 na kikita ng 3% interest pagkalipas ng isang taon. Bukod dito, may chance ring manalo ang mga investors sa raffle. Sa bawat PhP 500.00 na investment, may isang raffle entry ang investor, na maaaring manalo ng cash at non-cash prizes sa quarterly raffles ng Premyo Bonds. Sa katunayan, sa quarterly raffle na isinagawa noong September 2020, isa ang nanalo ng PhP 1 Million at isang condominium unit mula sa Megaworld, 15 ang nanalo ng PhP 100,000.00, at 100 ang nanalo ng PhP 20,000.00, ayon sa report ng Philippine News Agency.
Noong July 2020, nag-offer din ang Bureau of the Treasury ng Progreso Bonds na may duration na limang taon at interest rate na 2.625% per annum upang makalikom ng pondo para sa pag-ahon ng bansa mula sa krisis ng COVID-19 pandemic.
Sa panahong ito ng pandemya na walang kasiguruhan, makakatulong ang mga ganitong investment upang makalikom ng pondo ang pamahalaan para sa mga programa laban sa COVID-19 pandemic at upang mapanatag ang ating kalooban na may naiipon tayo para sa mga susunod na taon. Sa pag-invest sa Premyo Bonds, hindi lang tayo makapag-iipon, maaari rin tayong manalo ng mga papremyo. At higit sa lahat, makatutulong tayo sa pagbangon ng bayan.
Antabayanan ang mga updates ng Premyo Bonds sa Facebook page ng Bureau of the Treasury (https://www.facebook.com/TreasuryPh/) at sa kanilang website (https://www.treasury.gov.ph).