May katrabaho akong taga-Nueva Ecija, halos Nueva Vizcaya na. Isang araw, nag-post siya sa Group Chat namin ng larawan ng kalape. Dahil matagal na akong hindi nakakain ng kalape, sinabi kong bibili ako. Hindi niya binebenta, bibigyan na lang daw niya ako. Ang pagkasabi ko pa ay bibili ako ng kalape, at ang sagot sakin ay ano daw ang kalape? Iyon pala, littuko ang tawag sa Ilokano sa kalape.
Ang kalape ay bunga ng rattan |
Ang kalape/littuko ay bunga ng rattan (Calamus sp.), isang halaman na kapamilya ng niyog. Ito rin ang rattan na ginagamit sa handicraft na upuan at lamesa, baston, arnis, basket, at marami pang iba. Maraming uri ng rattan sa Pilipinas, at ang bunga nito ang kalape/littuko. Tinatawag rin itong limuran sa Bicol at Quezon, na pangalan rin ng isang species ng rattan.
Una akong nakatikim ng kalape noong 2010, dala rin ng isang katrabaho ko noon sa Bicol. Sa lasa, maasim kadalasan ang kalape. Maikukumpara ang lasa ng kalape sa berba (Garcinia intermedia) at batuan o binukaw (Garcinia binukaw). Ang batuan ay iyong pang-asim sa sinigang lalo na sa parteng Visayas at Mindanao. May mga kalape na napakaasim. Doon ako nasanay, sa napakaasim na bunga. Pero itong galing sa Nueva Vizcaya, medyo matamis. Pero nandoon pa rin ang sobrang asim.
Maaaring kainin ang kalape as is, tatanggalin lang ang balat at presto! Para mas masarap, maaaring isawsaw sa asin o asukal. Ang iba, inilalagay ito sa lalagyan na may takip at sasamahan ng asukal at kaunting asin, saka kakalugin ang lalagyan hanggang sa lumambot ang laman ng kalape at kumapit ang asukal. Naghahalo ang tamis ng asukal at asim ng kalape kapag ganito.
Ang ginawa ko sa kalape na ibinigay sa akin, ibinabad ko sa suka na may asin at asukal (pickled). Kapag na-pickle ang kalape, natatanggal nang kaunti ang asim nito at nanunuot ang lasa ng asin at asukal. Mape-preserve rin ang kalape, at mas matagal makakain. Masarap rin itong ipares sa mga pritong ulam, gaya ng pritong isda o side dish sa pork chop, parang achara. Ang suka ay pwede ring sawsawan ng lumpia. Pwede ring gamitin sa paksiw o sa pangat na isda, substitute sa kamias. Diskarte sa pagluluto na lang.
Pickled kalape |
Pwede nang pang-Intagram! |
Ngunit bakit nga ba nae-enjoy natin ang mga ganitong pagkain, napakaasim naman? Marahil ay dahil nasa-satisfy ang cravings natin, o gusto nating makatikim ng bago sa panlasa natin. O maaari ring ang lasa ng ganitong mga pagkain ay nagbabalik ng mga ala-alang nagpapangiti sa atin. Ano pa man ang dahilan, basta, gusto kong kumain ng kalape.